Malacañang hindi makikialam sa pagdulog ng Rappler sa SC

INQUIRER PHOTO / GRIG C. MONTEGRANDE

Iginagalang ng palasyo ang paghahain ng petisyon ng Rappler sa Korte Suprema para tuldukan na ang kanilang coverage ban sa mga presidential event ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, malayang bansa ang Pilipinas kung kaya maaring maghain ng asunto ang sinuman.

Iginiit pa ni Panelo na wala sa karakter ng ehekutibo na pakialaman ang trabaho ng hudikatura.

Bahala na aniya ang Supreme Court na magpasya kaugnay sa petisyon ng Rappler.

Magugunitang February, 2018 nang pagbawalan  ang mga taga-Rappler na makapasok sa palasyo at makapag cover sa iba pang presidential events dahil sa hindi patas na pagbabalita.

Muli ring inulit ni Panelo na malaya namang nakakapag-cover sa pangulo maging ang iba pang mga media firms na kilalang kritiko ng administrasyon.

Pero iba umano ang sa kaso ng Rappler na nahaharap sa ilang legal na isyu ang pag-ooperate nila sa bansa dahil sa pagtanggap ng pondo mula sa mga dayuhan.

Read more...