Ang paalala ng bise presidente ay matapos ang pahayag ng pangulo na dapat matutunan ng kanyang militar at pulisya ang ‘art of assasination’.
Sa panayam ng media kay Robredo sa Iloilo City, sinabi nito na hindi niya alam ang tunay na nais ipakahulugan ni Duterte sa kanyang naging pahayag.
Gayunman anya ay dapat maging maingat ang presidente sa kanyang mga salita dahil anuman ang kanyang sabihin ay nagiging polisiya ng gobyerno.
“Sa akin lang, yung paalala sa aming mga lingkod-bayan na maging maingat sa mga pananalita lalo na ng Pangulo. Kasi sinasabi parati na kung ano ang sabihin niya, nagiging polisiya. So mahirap na misinterpret ito o seryosohin na iba naman ang gusto niyang sabihin,” ani Robredo.
Iginiit ni Robredo na dapat pag-isipan munang maigi ng presidente ang kanyang mga sasabihin para hindi ito magresulta sa mga implikasyon o problema.
Hindi dapat anya nagpapadala ang presidente sa bugso ng damdamanin.
“Hindi dapat siya dala ng bugso ng damdamin dahil marami ang implikasyon ng lahat ng sasabihin,” giit ni Robredo.