Mayor Sara: Pilipinas hindi dapat magmakaawa sa China para makapangisda ang mga Pinoy sa Scarborough

Hindi dapat magmakaawa ang Pilipinas sa China para payagan ang mga Filipino na makapangisda sa Scarborough Shoal sa West Philippine Sea ayon kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Sa panayam ng media sa sidelines ng campaign rally ng Hugpong ng Pagbabago sa Agusan del Sur, sinabi ni Duterte-Carpio na ang mga local government units at national government agencies dapat ang umasiste sa mga mangingisdang Pinoy na umano’y nakararanas ng harassment.

“Dapat, if mayroong right ang ating mga mangingisda na pumunta doon sa area na iyon dapat tulungan sila ng national government agencies at LGUs. We don’t need to beg or to ask the Chinese government kung atin ang lugar na iyan,” ani Duterte-Carpio.

Bilang isang Filipino anya ay hindi dapat magmakaawa sa China.

Ayon sa mga ulat, hindi pinapayagan ang mga Filipino na malayang makapangisda sa Scarborough Shoal.

Samantala, sinabi naman ng alkalde na ang ginawa ng mga kandidato ng Otso Diretso na tangkang pagbisita sa Shoal ay dahil lamang sa eleksyon at gagawin ng mga ito ang lahat para makuha ang limelight.

Sigurado anya na alam ng Chinese government kung ano ang totoong atake sa kanilang bansa at kung ano ang para sa photo opportunities lamang.

Read more...