PAGASA: Heat index sa 13 lugar nanatili sa dangerous level

Mas mababang heat index o init na nararamdaman ng katawan ng tao ang naitala ng PAGASA para sa araw ng Miyerkules.

Gayunman, nasa dangerous level pa rin o mula 41 degrees Celsius hanggang 54 degrees Celsius ang 13 lugar.

Pinakamataas ang heat index kahapon sa Calapan, Oriental Mindoro sa 46.8 degrees Celsius na sinundan ng Infanta, Quezon sa 43.5 degrees Celsius at Ambulong, Batangas sa 43.2 degrees Celsius.

Pasok din ang Pasay City sa mga lugar na may dangerous heat index sa 42.5 degrees Celsius.

Samantala, bagaman lubhang mataas ang heat index sa Calapan, Oriental Mindoro, mas mababa pa rin ito sa naranasan sa Dagupan City noong Martes na 51.7 degrees Celsius na pinakamataas sa buong bansa ngayong 2019.

Ang mga residente sa mga lugar na nasa dangerous level ng heat index ay nahaharap sa panganib ng heat cramps at heat exhaustion kung saan ang patuloy na aktibidad ay maaaring mauwi sa heat stroke.

Read more...