Pinasalamatan ng Motorcycle Rights Organization (MRO) si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsuspinde sa ‘doble plaka’ law.
Ayon kay Jobert Balanos, chairman ng MRO at tagapagsalita ng Riders of the Philippines (ROTP), masaya silang pinakinggan ni Pangulong Duterte ang kanilang hinaing at hiling na mabigyan sila ng boses sa binubuong implementing rules and regulations o IRR ng Motorcycle Crime Prevention Act.
Sinabi ni Bolanos na nakatulong din ang dayalogo nila kay Senator JV Ejercito para maliwanagan hinggil sa nilalaman ng batas.
Ipinaliwanag kasi ni Ejercito sa mga rider na hindi naman istriktong sinasabi sa batas na dapat metal plates ang ilalagay sa motorsiklo.
Katunayan, maaring ang metal plate ay ilalagay sa likod at ang sa harap ay pwdeng decals lang na mas ligtas para sa mga rider.
“Sa IRR naman kasi, di naman istrikto yung batas na dapat metal plates. Pwedeng metal ang likod which is acceptable, yung harap either decals or RFID so it’s safer for riders,” ani Ejercito.
Sinabi din ni Ejercito na kinausap niya si Pangulong Duterte hinggil sa pangamba ng mga motorcycle rider bago ang kaniyang speech sa 25th National Federation of Motorcycle Clubs of the Philippines (NFMCP) National Motorcycle Convention sa Iloilo City.
Pinakinggan naman aniya ng pangulo ang mga inilatag nilang concern.
Dahil sa naging pasya ng pangulo, sinabi ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na hindi muna sila manghuhuli ng riders na walang plaka sa harapan.
Ayon sa HPG paiiralin nila ang “no IRR, no implementation” sa usapin.