Ang Semana Santa ay magsisimula na sa Linggo, April 14.
Ayon kay Manila Cathedral rector Fr. Reginald Malicdem, ang mga aktibidad sa katedral ay pangungunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Ang unang misa sa Linggo ng Palaspas, Chrism Mass at Misa sa Huling Hapunan sa Huwebes Santo, Paggunita sa Pagpapakasakit ng Panginoon sa Biyernes Santo, at Bihilya para sa Muling Pagkabuhay sa Sabado de Gloria ay pangungunahan lahat ni Tagle.
Sinabi ni Malicdem na nakikipag-ugnayan sila sa mga awtoridad para tiyakin ang seguridad ng mga debotong pupunta sa Manila Cathedral.
Isa ang Manila Cathedral sa siyam na simbahan at chapel na magiging bukas para sa Visita Iglesia sa loob ng Intramuros.
Ayon naman kay Quiapo Church Parochial Vicar, Fr. Douglas Badong, wala ring pagbabago sa mga aktibidad sa Basilika ng Quiapo.
Ilan sa mg aktibidad ng Quiapo Church ay Pabasa ng Pasyong Mahal mula Lunes Santo hanggang Miyerkules Santo, Senakulo sa Plaza Miranda sa Miyerkules Santo, at ang prusisyon ng mga imahen ng Nazareno sa Biyernes Santo.
Nanawagan si Badong sa mga deboto na maging organisado sa pag-dalo sa mga aktibidad ng simbahan.