Duterte: ISIS hindi na muling makaka-tungtong sa Pilipinas

Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na kahit kailan ay hindi na muling makaka-tungtong ang Islamic State extremists sa Pilipinas.

Sa kanyang talumpati sa selebrasyon ng Araw ng Kagitingan sa Jolo, Sulu, sinabi ng Pangulo na walang lugar sa bansa ang mga dayuhang terorista gaya ng ISIS.

“Your efforts have brought us closer to our ultimate objective of totally crushing the violent extremism at its roots. With this, I can confidently declare that ISIS will never gain foothold anywhere in the Philippines,” pahayag ng Pangulo.

Sa harap ng tropa ng gobyerno ay sinabi ng Pangulo na sadyang sa Jolo, Sulu siya pumunta kasabay ng Araw ng Kagitingan dahil nasa lugar anya ang pinaka-magiting na mga Pilipino at mananatili anya siyang nagpapasalamat sa ginagawa ng mga sundalo.

Bilang commander in chief, saludo at nagpasalamat ang Pangulo sa mga sundalo na nasugatan o namatay sa operasyon sa Sulu.

Tiniyak naman ni Duterte na prayoridad ng gobyerno ang kapakanan ng mga sundalo at kanilang mga pamilya.

Nangako rin ang Presidente na maglalabas ito ng dagdag pondo para sa mga sundalo.

Matatandaan na ang Maute Group na nanggulo sa Marawi City ay kaalyado ng ISIS.

Habang sa unang bahagi ng taon ay dalawang pagpapasabog sa isang cathedral sa Jolo ang pumatay sa 22 katao.

Read more...