Ayon sa Pangulo, tapos na ang usapang pangkapayapaan kaya bakit siya matatakot sa mga rebelde?
“Tapos na tayo mag-usap. Ngayon, gusto ninyo patayan na lang. I am not ready to talk to any communist guy. Tapos na ‘yan,” pahayag ni Duterte sa kanyang talumpati sa Camp Teodulfo Bautista sa Jolo, Sulu kung saan nito pinangunahan ang Araw ng Kagitingan.
Ipinagmayabang pa ng Pangulo na marami siyang sundalo, eroplano at matatapang na tropa ng gobyerno kaya walang dahilan na matakot siya sa mga rebelde.
Muling minaliit ni Duterte ang mga komunista na anya’y hindi man lang makakontrol ng isang barangay.
“Why should I? You cannot even hang on to a barangay for 24 hours — hit-and-run lang kayo. Why should I be scared of you?” dagdag nito.
Noong November 2017 ay pinirmahan ng Pangulo ang Proclamation No. 360 na pormal na tumapos sa peace talks sa mga rebeldeng komunista.
Kalaunan ay ilang beses ding naglabas ang Pangulo ng magkakaibang pahayag ukol sa pagiging bukas at hindi sa pagpapatuloy ng negosasyon sa mga rebelde.
Pero noong March 21 sa anibersaryo ng Philippine Army ay inanunsyo ni Duterte ang permanenteng pagtatapos ng usapan sa pagitan ng government panel at Communist Party of the Philippines (CPP) kasunod ng termination ng appointment ng government peace negotiators.