DOTr, pinaghahanda ni Angara para sa 20% discount sa pasahe ng mga estudyante

Ngayong pirma na lang ni Pangulong Duterte ang kailangan para maging batas na ang panukalang bigyan ng 20 porsiyentong diskuwento sa pasahe sa eroplano at barko sa buong taon ang mga estudyante, hinihikayat ni Senator Sonny Angara ang Department of Transportation (DOTr) na bumalangkas na ng Implementing Rules and Regulations o IRR.

lto aniya ay para agad maipatupad ang batas at mapakinabangan ng mga nagbabakasyong estudyante sa kanilang pagbabalik-eskuwelahan.

Katuwiran ni Angara, maaaring sa Mayo pa lang ay magpa-book na sa eroplano o barko ang mga estudyante at malaking bagay ang 20 porsiyentong diskuwento sa kanilang pasahe.

Dagdag pa ng senador, isa sa mga awtor ng panukalang-batas sa Senado, palalawigin nito ang diskuwento sa pasahe ng mga estudyante sa buong taon.

Ang mga hindi magbibigay ng diskuwento ay pagmumultahin ng hanggang P15,000 at maari ring bawian ng prangkisa.

Read more...