Remittance ng mga Filipino seafarer pumalo sa $533M noong Enero ayon kay Rep. Bertiz

AFP FILE PHOTO/TED ALJIBE
Umakyat sa $533 milyon o P27.8 bilyon ang naiuwi sa Pilipinas ng mga seaman nitong Enero at inaasahang tataas pa sa mga susunod na buwan.

Ayon kay ACTS-OFW partylist Rep. Aniceto Bertiz III, ito ay dahil sa nanatili sa “White-List” ang Pilipinas kaya inaasahang tataas pa sa mga susunod na buwan ang cash transfers ng mga Filipino seaman at dahil na rin sa patuloy na pagsunod sa global training at certification standards for sailors.

Base sa datos ni Bertiz noong Enero ang remittances ay umakyat sa 12.7 porsiyento mula sa $473 milyon o P24.6 bilyon ng katulad na buwan noong 2018.

Binanggit ng kongresista ang ulat ng Maritime Industry Authority (MARINA) na nananatili ang PIlipinas sa White List ng mga bansa na compliant sa International Convention on Standards of Training, Certification and Watch keeping for Seafarers (STCW) ng International Maritime Organization (IMO).

Matatandaan na inatasan na rin ng Department of Transportation (DOTr) ang Marina na siguruhin ang status ng bansa na nananatili na isang specialized agency ng Unitd Nations.

Paliwanag pa ni Bertiz na madali na rin makakakuha ng trabaho sa mga foreign vessels ang mga pinoy at makakakuha ng endorsements mula sa ibang bansa habang nasa white list ang Pilipinas.

Nabatid na mayroong 400,000 Filipino seafarers ang naka-deploy sa ibat ibang bahagi ng mundo at umaabot sa $5.8 bilyon kada taon ang kanilang remittances.

Read more...