Base sa schedule na inilabas ng protocol office ng Malakanyang, sa halip na sa Bataan ay gugunitain ng pangulo ang Araw ng Kagitingan sa Camp Teodolfo Bautista sa Busbos, Jolo, Sulu kasama ang mga sundalo.
Ayon kay Cabinet Sec. Karlo Alexei Nograles, sina DILG Sec. Eduardo Año at Education Sec. Leonor Briones ang kakatawan kay Pangulong Duterte sa Bataan.
Matatandaan na noong nakaraang taon hindi rin nagtungo ang pangulo sa Bataan sa halip ay si Exec. Sec. Salvador Medialdea ang kanyang naging kinatawan.
Hindi ito ang unang pagkakataon na hindi dumalo ng pangulo sa nakagawiang paggunita sa Araw ng Kagitingan sa Bataan, bagkus ay sa ibang lugar sa bansa partikular sa mga kampo ng militar ito nagpupunta.
Ang Araw ng Kagitingan ay natatanging araw na itinalaga ng pamahalaan upang gunitain ang kabayanihan ng mga sundalong Filipino at Amerikano na nakipaglaban sa puwersa ng Japanese Imperial Army noong World War 2.