Napoles naghain ng demurrer para ibasura ang kanyang plunder case

Naghain ang convicted plunderer na si Janet Lim Napoles ng demurrer to evidence para ibasura ang kasong plunder nito kaugnay ng pork barrel funds ni dating Senador Jinggoy Estrada.

Iginiit ng mga abogado ni Napoles sa Sandiganbayan 5th Division na sa information na inihain ng Office of the Ombudsman ay iminungkahi na maging main plunderer ang negosyante.

Pero nanindigan ang depensa na bigo ang prosekusyon na kilalanin si Estrada, na isang public officer, bilang main plunderer.

Binanggit ni Atty. Erwin Legaspi na sa desisyon ng Korte Suprema sa plunder case ni dating Pangulong Gloria Macapag-Arroyo, nakaasaad na ang main plunderer ay dapat na public officer.

Dagdag ng abogado, hindi naabot ang P50 million threshold para sa kasong plunder dahil mayroong 4 na akusado na umanoy nagbulsa ng P183 million na kickback na nangangahulugan na tumanggap ng P45 million ang bawat isang akusado.

Bukod kina Estrada at Napoles, kapwa-akusado ng dalawa ang chief of staff ng dating senador na si Pauline Labayen at ang pinsan ng tinaguriang pork barrel scam queen na si John Raymund De Asis.

Read more...