Ginugunita ng buong bansa ngayong Martes, April 9 ang ika-77 Araw ng Kagitingan kasabay ng Philippine Veterans Week na nagsimula na noong April 5 at magtatapos sa April 11.
Sa bisa ng Executive Order No. 203, s.11986, ang April 9 ay inilaan bilang Araw ng Kagitingan upang bigyang parangal ang mga Filipino na nagsilbi at nagtanggol sa Pilipinas sa panahon ng giyera at kapayapaan.
Inaalala ang pagbagsak ng Bataan noong World War II sa araw na ito.
Alinsunod naman sa Proclamation No. 466, s. 1989, ang Philippine Veterans Week ay layong magtaguyod, pangalagaan at gunitain ang mga prinsipyo at mabubuting halimbawa ng mga war veterans upang mapalawig ang nasyonalismo o pagmamahal sa bayan.
Ang tema ng Araw ng Kagitingan ngayong taon ay “Sakripisyo ng Beterano ay Gunitain, Gawing Tanglaw ng Kabataan Tungo sa Kaunlaran”.
Sa inilabas na pahayag ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO), ang bansang walang alam sa kasaysayan ay hindi kailanman uunlad.
Iginiit ng PVAO na ang paggunita sa mga makasaysayang araw tulad nito ay upang bigyang-diin ang naging papel at pagsusumikap ng mga war veterans para matamo ng Pilipinas ang kalayaan at demokrasyang tinatamasa nito sa ngayon.
“The purpose of history is to learn from it. A nation ignorant of its past, after all, will never truly progress. This is the very reason events and commemorations such as these are celebrated, especially on a national level, in order to emphasize the role and efforts of our veterans in contributing to the freedom and democracy our nation enjoys today,” ayon sa PVAO.