Nawawalang dalagita, nakitang patay sa septic tank sa Danao

Makalipas ang 6 araw na pagkawala, natagpuang patay ang isang 14 anyos na babae sa septic tank ng isang eskwelahan sa Danao City, Cebu Lunes ng umaga.

Ayon kay Danao City Police Station chief Lt. Col. Maribel Getican, nakita ang bangkay ni Tesa Marie Ygay sa septic tank sa Cogon Cruz Integrated School.Inireport ng principal na may nangangamoy at nilalangaw mula sa septic tank.

Sa pagresponde ng mga pulis nakita ang bangkay ni Ygay na naiulat na nawawala mula pa noong April 6.

Sinabi ni Getican na posibleng patay na si Ygay bago ito itinapon sa septic tank.

Ito ay dahil may mga saksak ang katawan ng biktima at may mga bakas ng dugo sa paligid ng eskwelahan.

Ang gwardya sa paaralan ang isa sa mga persons of interest dahil ito ang huling nakita kasama ni Ygay at may mga bakas ng dugo sa kanyang quarters.

Nabatid pa na nanliligaw kay Ygay ang gwardya na hindi na pumapasok sa trabaho simula noong Sabado.

Read more...