Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, malinaw aniya na nakasaad sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na deklarado sa SALN ng pangulo kung magkano ang kanyang yaman.
“Dineclare niya nga eh, ‘di ba sabi ko. Ang violation is when you do not declare. Sinasabi nga ng Philippine Center for Investigative Journalism dineclare, gusto lang nilang malaman saan galing, di ba. Eh hindi naman violation iyong hindi mo sinabi kung saan galing; ang violation iyong hindi mo dineclare,” ani Panelo.
Nagpaliwanag din ang Palasyo sa hindi pagdedeklara ng pangulo sa kanyang SALN sa law firm na Carpio and Duterte Lawyers.
Ayon kay Panelo, matagal nang panahon na naging kasapi ang pangulo sa naturang law firm at maaring non-existent na ito.
Sa panig naman ni Executive Secretary Salvador Medialea, sinabi nito na malinaw na paninira lamang ng mga kritiko ang pagbanat sa SALN ng pangulo.
Patuloy aniyang tutuparin ng pangulo ang kanyang pangakong paglaban sa korupsyon at sa katunayan, ilang opisyal na ang nasibak sa serbisyo.
Tiniyak pa ni Medialdea na kayang tingnan ng pangulo sa mata ang mga kritiko para patunayan na hindi siya nasasangkot sa anumang uri ng korupsyon.
Una rito, kinukwestyun ng PCIJ ang SALN ng pangulo dahil hindi raw tugma ang yaman ng pangulo sa kinikita ng isang public official.