Pinuri ng motorcycle riders sa bansa ang anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagsuspinde sa Doble Plaka law.
Ang Motorycle Crime Prevention Act ay pinirmahan ni Duterte noong Marso na layong maglagay ng mas malalaking plaka sa harap at likod ng mga motorsiklo upang mabawasan ang kriminalidad.
Sa isang pahayag, sinabi ni Motorcycle Federation of the Philippines President Atoy Cruz na magandang nagising na ang pangulo sa problema.
Nauna nang nagprotesta ang libu-libong motorcycle riders para igiit ang pagpapahinto sa implementasyon ng bagong batas na umano’y magdudulot lamang ng peligro.
Naniniwala naman si Cruz na kailangan lang ayusin ang batas at hindi ito dapat tuluyang ibasura.
Nakatakdang dumalo sa isang konsultasyon sa Land Transportation Office (LTO) ang riders sa April 12.
Samantala, sinabi naman ni Sen. JV Ejercito na ang suspensyon sa batas ay magbibigay daan para matalakay ng stakeholders kung paano masisiguro ang kaligtasan ng riders kasabay ang layuning mabawasan ang mga krimen.
Sinabi naman ni Sen. Richard Gordon na ipaliliwanag niya sa pangulo ang batas.
Ayon kay Gordon na siyang pangunahing may-akda ng Doble Plaka Law, ginagawa nang ‘crime machines’ ang mga motorsiklo at ipinagtatanggol niya lamang ang mga pinapatay ng mga riding-in-tandem.