Robredo: Handa ako pero hindi sabik na palitan si Duterte

Nilinaw ni Vice President Leni Robredo na siya ay handa ngunit hindi sabik na palitan si Pangulong Rodrigo Duterte sakaling magdeklara ito ng revolutionary government.

Sa isang pahayag araw ng Linggo, sinabi ng bise presidente na ang kanyang kahandaang pumalit ay hindi dapat isiping pagiging sabik dahil ang talakayan sa deklarasyon ng revolutionary government ay nagsimula naman sa punong ehekutibo.

Sinabi ni Robredo na si Duterte ang nagbabala ng deklarasyon at hiningi lamang ang kanyang komento.

“Hindi naman tayo iyong nagsimula ng usapin. Actually, si Pangulo ang naggawa ng isang deklarasyon at tayo ay pinapa-komento lang doon,” ani Robredo.

Noong Huwebes, ibinabala ng presidente ang deklarasyon ng revolutionary government at pagsuspinde sa writ of habeas corpus sakaling mapuno na sa kanyang kritiko.

Ayon kay Robredo, sakaling gawin ito ni Duterte, parang inabandona na rin nito ang kanyang mandatong itaguyod ang Konstitusyon.

Muli namang nanawagan ang bise presidente sa mga opisyal ng gobyerno na mag-ingat sa mga pahayag dahil lagi itong may epekto sa bayan.

“Iyong trabaho namin, talagang maraming kahirapan, marami talagang magte-test sa aming pasensya, maraming frustrations, marami kaming gustong gawin na hindi ganoon kadaling gawin dahil sa mga circumstances,” giit ni Robredo.

“Pero hindi dahil doon, hindi iyon ang nagbibigay sa amin ng lisensya para magsabi ng kung anong gusto naming sabihin kasi iyong sinasabi namin, palaging may epekto sa ating bayan,” dagdag pa niya.

Read more...