DFA, nagbabala vs human trafficking sa pamamagitan ng social media

Pinaalalahanan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Filipino na maging maingat sa mga recruitment ageny na nag-aalok ng trabaho sa ibang bansa.

Sa inilabas na pahayag, sa tala ng kagawaran taong 2018, nasa 17 na kaso ng human trafficking ang naitala ng Embahada ng Pilipinas sa Baghdad, Iraq.

Ilan sa mga biktima ay nakulong nang mahigit tatlong buwan sa Basra Prison sa Iraq.

Maliban dito, dalawa pang Pinoy ang nasagip habang 10 iba pa ang nasa kustodisya ng Embahada simula Enero ngayong taon.

Ayon sa DFA, nalilinlang ng mga sindikato ang mga biktima gamit ang social media kung saan pansamantala nitong sasagutin ang travel cost para sa umano’y trabaho sa Dubai.

Pinapasok pa ang mga biktima sa Dubai sa pamamagitan ng tourist visa.

Dahil dito, nagpaalala ang DFA sa mga nais magtrabaho sa ibang bansa na tignan ang mga alok na trabaho sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Dagdag pa nito, dapat sundin ang pre-departure procedures na ipinatutupad ng Philippine immigration authorities para matiyak ang kanilang kaligtasan.

Read more...