Bilang ng mga nahahawa sa tigdas bahagyang bumaba ayon sa DOH

Inquirer file photo

Ipinaliwanag ng Department of Health na bahagyang bumagal ang pagdami ng mga nahahawa sa tigdas bagaman nananatili pa rin ang measles outbreak sa bansa.

Sinabi ni Health Sec. Francisco Duque na maituturing na sa ngayon na papahupa ang epekto ng tigdas sa bansa pero nananatili pa rin itong banta sa kalusugan ng publiko.

Kasabay nito, sinabi ng kalihim na naabot na nila ang kanilang target na mabakunahan ang higit sa tatlong milyong mga bata.

Sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo na maituturing lamang na under control na ang sitwasyon kapag wala nang naitalang bagong kaso ng tigdas sa loob ng anim na magkakasunod na linggo.

Sa kabuuan ay sinabi ng DOH na umabot sa 16,000 ang mga nahawa ng tigdas mula nang ideklara ang measles outbreak noong nakalipas na buwan ng Pebrero.

Hinihikayat pa rin ng DOH ang publiko na pabakunahan ang mga batang ang edad ay tatlong taon pababa laban sa tigdas.

Read more...