Duterte: Militarisasyon sa South China Sea nagsimula sa panahon ni Aquino

Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang militarisasyon sa South China Sea ay nagsimula sa panahon pa ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Sa talumpati sa campaign rally ng PDP-Laban sa Puerto Princesa, sinabi ni Duterte na alam ni Aquino at ng Estados Unidos na may binubuo sa South China Sea ngunit hindi nila ito sinita.

“Si Noynoy alam niya, ang Amerika alam nila, ngayon, overtime lumaki hanggang naging military horizon sa panahon ko,” ayon sa pangulo.

Iginiit ni Duterte na sa kanyang bilateral meeting kay Chinese President Xi Jinping ay sinabi niyang itutulak ng Pilipinas ang karapatan nito sa sarili nitong exclusive zone at maghuhukay ang bansa ng langis.

Pero sinabi umano ni Xi na kapag pinilit ito ng bansa ay magkakaroon ng gulo.

“If you insist on your position, ginamit niya ay ‘there might be trouble’, yan ang sinabi niya. Why don’t we just talk about cooperating whatever we can do or see in these places,” ani Duterte.

Dahil dito ay wala umanong opsyon ang pangulo at kung ipadadala niya ang Philippine Navy sa South China Sea ay mapupulbos ang mga ito.

Ayon sa pangulo, hindi sapat ang military assets na meron ang Pilipinas para makipaggiyera sa China.

Nais naman ng presidente na manatiling magkaibigan ang Pilipinas at China pero pinayuhan ito na huwag gagalawin ang Pagasa island.

Ito anya ay payo lamang at hindi banta pero kapag ginalaw ang Pagasa Island ay ibang istorya na ito at sasabihan niya ang mga sundalo na maghanda para sa suicide missions.

Read more...