Nagalit si Albayalde sa umanoy kabastusan ni Police Col. Romeo Ver, hepe ng CDC Public Security Development Office nang sitahin nito ang kanyang anak na si Kevin.
Sa police report, nag-park si Kevin Albayalde ng kotse nito malapit sa football field sa Clark Freeport at nagja-jogging alas 9:00 Martes ng umaga nang lapitan ito ni Ver at ibang CDC security personnel.
Dinis-armahan din umano ang 2 bodyguard ng nakababatang Albayalde na sina Police Master Sergeant Johnny Belinan at Police Corporal Jeffrey Ebreo.
“Nagpakita agad sila ng arrogance, sinigawan nila yun bata at sinabi nila maghintay ka darating na ang ABS-CBN. Ano ang ibig niya sabihin doon? Na-ticketan naman nila yung bata. Nagpakilalang anak ko pero lalo nilang sinigawan. We are checking kung allowed sila magdala ng baril,” ani Albayalde.
Inakala umano ng CDC security personnel na Chinese national si Kevin at ginagamit lamang nito ang pangalan ng amang PNP chief.
Pero sinabi ni Albayalde na hanggang sa loob ng CDC Public Security Development Office ay pinagalitan pa rin ang kanyang anak at mga security aide nito.
Ayon naman kay Police Brig. Gen. Joel Coronel, Region 3 police director, sinampahan si Ver at mga tauhan nito ng kasong paglabag sa Revised Penal Code, grave coercion, unjust vexation at direct assault upon an agent or a person in authority.