Naaresto araw ng Huwebes ang magkapatid na alkalde at bise alkalde ng bayan ng San Francisco, sa Camotes Island, Cebu matapos makuhaan ng mga hindi lisensyadong baril, mga bala at maging pampasabog.
Sa bisa ng isang search warrant, hinalughog ng mga operatiba ng Provincial Intelligence Branch (PIB) ang bahay ni Mayor Aly Arquillano at Vice Mayor Alfredo Arquillano.
Nakuha sa kanilang kuwarto ang hand grenade, caliber .22 rifle, isang magazine ng caliber ng .45 pistol na may limang live ammunition, AR-15 rifle,at isang live ammunition ng 9mm caliber pistol.
Walang lisensya ang naturang mga armas.
Ayon kay Police Captain Alejandro Batobalonos, pinuno ng Provincial Intelligence Branch (PIB), nakatanggap sila ng ulat na may private goons ang magkapatid.
Sasampahan ang dalawa ng illegal possession of firearms and explosives.
Samantala, posibleng walang epekto sa kandidatura ng dalawa sa May 13 elections ang kanilang mga kasong haharapin.
Ayon sa election lawyer na si Jerome Brillantes, walang epekto sa kandidatura ng dalawa ang kaso ngunit dahil non-bailable ito, hindi sila makakapangampanya.
Sa Mayo, si Mayor Aly ay tatakbo bilang vice mayor, habang si Vice Mayor Alfredo ay tatakbo bilang mayor.