Heat index sa Dagupan, Pangasinan pumalo sa 48 degrees Celsius

Head Index
File photo

Nakaranas ng napakaalinsangang panahon sa Dagupan City, araw ng Miyerkules matapos maitala ang 48.2 degrees Celsius na heat index.

Ang heat index ay ang sukat ng temperaturang nararamdaman ng tao na mas mataas sa temperatura ng hangin.

Dahil dito, nagbigay ng babala ang PAGASA sa mga residente na gumawa ng mga hakbang para makaiwas sa heat stroke.

Sa abiso ng weather bureau, kapag ang heat index ay umabot sa pagitan ng 32 hanggang 41 degrees Celsius, dapat ay mag-ingat sa posibilidad ng heat cramps at heat exhaustions at ang patuloy na aktibidad ay maaaring magresulta sa heat stroke.

Kapag ang heat index naman ay umabot sa 41 hanggang 54 degrees Celsius, mas mataas na ang tyansa ng heat cramps at heat exhaustion at gayundin ang heatstroke.

Kapag lampas 54 degrees Celsius naman ang heat index ay lubhang mapanganib na at talagang mangyayari ang heat stroke.

Pinayuhan ng PAGASA na manatili ang mga residente sa kanilang bahay at kung hindi available ang air conditioning ay manatili sa pinakamababang palapag.

Dapat ding magsuot ng mga damit na may light colors at uminom lagi ng tubig.

Sinabi rin ng PAGASA na dapat ay huwag kumain ng marami at umiwas sa mga pagkaing mataas ang protina dahil nakadaragdag ito sa metabolic heat.

Sa ngayon ay patuloy na umiiral sa bansa ang easterlies na nagdadala ng maalinsangang panahon.

Read more...