Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Mitsubishi Motors Philippines Corp. first vice president for marketing Froilan Dytianquin may mga reklamo din ng SUA sa kanilang units na Strada at Fuzion.
Pero paglilinaw ni Dytianquin, ang reklamo sa nasabing mga unit ay hindi naman kasing dami ng sa Montero. “May reklamo din kami ng SUA sa ibang unit, sa Strada we have 5, sa Fuzion meron din pero hindi kasing dami ng sa Montero,” ayon kay Dytianquin.
Sa ngayon ayon kay Dytianquin, umabot na sa 119 na reklamo ng SUA sa Montero ang kanilang natanggap. 95 dito ay naresolba na umano nila.
Dagdag pa ni Dytianquin, simula nang makatanggap sila ng reklamo tungkol sa SUA sa mga Montero units ay agad nila itong ipinagbigay-alam sa kanilang supplier.
Noong taong 2011 aniya ay dalawang beses na nagpadala ng mga engineers at experts ang Mitsubishi Japan para suriin ang mga piyesa at iba pang components ng mga Montero.
Kabilang sa mga ginawa ang dynamic test at magsusuri sa matting, pero wala naman aniyang nakitang problema.
Ayon kay Dytianquin, sa Thailand ginagawa ang mga Montero na naririto sa Pilipinas at ang Thailand din ang nagsusuplay sa 90 iba pang mga bansa sa mundo.
Sa lahat aniya ng bansa na sinuplayan ng Thailand ay tanging sa Pilipinas lamang nagkaroon ng mga reklamo ng SUA.
Nilinaw naman ni Dytianquin na hindi nila binabalewa ang reklamo ng kanilang mga kliyente, at itinuturing nilang seryoso ang mga report ng SUA sa ilang Montero units.