Inaresto ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office – Regional Special Operations Unit ang dalawang kubrador ng jueteng sa Las Pinas City.
Kinilala ang mga suspek na sina Colina Palacio, 49 anyos at Leonardo Cartel, 37 anyos kapwa residente ng lungsod.
Ayon kay NCRPO chief, Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar, nakatanggap sila ng ulat hinggil sa pagkakaroon ng operasyon ng illegal numbers game na jueteng sa Pag-asa Pilar Village.
Doon nagkasa ng operasyon ang mga pulis kung saan mayroong nagpanggap na tataya sa jueteng.
Nang tanggapin ang taya, doon na inaresto ng mga pulis ang dalawang suspek.
Nakuha sa kanila ang bet money, ballpen, listahan ng taya, Lotto 6/49 booklet, karton na may nakasulat na number combination, at iba pang gamit.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 na inamyendahan ng RA 9287 o illegal numbers game/jueteng.