Matapos ang ilang linggong malawakang protesta ng daan-daan libong Algerians ay nagbitiw na sa pwesto si President Abdelaziz Bouteflika.
Si Bouteflika na nasa pwesto sa loob ng dalawang dekada ay hindi na tutuloy para sa ikalimang termino.
Ang malawakang demonstrasyon sa iba’t ibang bahagi ng Algeria ay dahil sa kwestyonableng kakayahan ng presidente na tumakbo pang muli sa halalan.
Hawak ng presidente ang posisyon mula pa taong 1999 ngunit hindi ito nakikita ng publiko matapos ma-stroke noong 2013.
Pormal na nagbitiw sa pwesto si Bouteflika noong Martes.
Sa kanyang sulat na inilabas ng state news agency na APS, kahapon araw ng Miyerkules, hinimok ng presidente ang mga mamamayan na manatiling nagkakaisa.
Hiningi rin nito ang kapatawaran sa anumang naging pagkukulang niya bilang presidente.
Ikinatuwa ni UN Secretary-General Antonio Guterres ang mapayapa at matalinong paraan na pagpapahayag ng Algerians ng kanilang kagustuhang magpatupad ng pagbabago.