18 sugatan sa pagsabog sa Sultan Kudarat

Screengrab of Topher Labrador video

Labing-walo ang nasugatan matapos ang naganap na pagsabog sa isang restaurant sa Isulan, Sultan Kudarat, Miyerkules ng hapon.

Ayon sa pulisya, isang malakas na pagsabog ang narinig sa chicken restaurant sa bahagi ng national highway sa Barangay Kalawag.

Sa ulat ng local disaster office, kabilang sa 18 nasaktan ay anim na menor de edad at isang buntis.

Una nang napaulat na dalawa ang nasawi batay sa Facebook post ni dating Presidential Peace Adviser Jess Dureza na kalauna’y nilinaw naman sa kanya ni Sultan Kudarat Gov. Pax Mangudadatu.

Isang improvised explosive device (IED) ang ginamit sa pagpapasabog.

Ayon kay Isulan Mayor Marites Pallasigue, wala namang natanggap ang kanyang opisina na kahit anong banta bago ang pagsabog.

Ipinag-utos na ni Pallasigue ang mas mahigpit na seguridad sa lugar.

Ayon kay PNP-Soccsksargen spokesperson Police Lt. Col. Aldrin Gonzales, extortion ang kanilang tinitingnang motibo sa pagpapasabog.

Tiniyak naman ni Joint Task Force Central Commander, Major General Cirilito E. Sobejana na mahuhuli ang nasa likod ng krimen.

Sa Facebook video ni Topher Labrador, mapapanood ang pagkakagulo ng mga tao matapos ang pagsabog.

Makikita rin na nagpasaklolo ang mga nasugatan.

Read more...