Sa talumpati sa campaign rally ng PDP-Laban sa Malabon noong Martes, binanatan ni Duterte si David sa umano’y paggamit nito sa pulpito para atakihin ang kanyang administrasyon.
“Alam mo kung pari ka, gusto mo akong atakehin. Hoy, David makinig kang p*tang i** ka, lumabas ka sa pulpito mo. Huwag mong gamitin ang relihiyon,” ani Duterte.
Sa isang Facebook post Miyerkules ng gabi, iginiit ni David na kahit kailan ay hindi niya ginamit ang pulpito para atakihin si Duterte.
Ito ay maliban na lamang anya kung sa tingin ng presidente na pag-atake ang panawagang ihinto ang karahasan at extra-judicial killings sa Diocese of Kalookan.
Dismayado ang obispo sa pag-insulto ng punong ehekutibo sa kanyang ina kasabay ng pangangampanya nito para kay Vice Mayor Jeannie Sandoval na anya’y namataan pa sa camera na nakikitawa sa mga pahayag ng pangulo.
Inalala ni David ang pagsusumikap ng kanyang ina para maitaguyod silang 13 magkakapatid kahit pa nabyuda ito.
Hindi anya inaasahan ng kanilang pamilya na kilalanin ng gobyerno ang kontribusyon ng kanyang ina sa pagtaguyod sa bansa ngunit hindi rin umano nila gustong insultuhin ng sinuman ang alaala nito.
“Our family does not expect anyone in government to give her a recognition for her immense contribution in nation-building. But we do not expect anyone either, to insult her memory and call her a whore. She does not deserve it,” ani David.