Naniniwala ang Malacañang na black propaganda lamang ang video na nag-uugnay kay presidential son Paolo Duterte sa operasyon sa iligal na droga.
Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, non sense o kabalbalan lamang ng mga kritiko ang naturang video.
Sa anim na minutong video, ipinakita ng nagpakilalang witness na si Bikoy na binibigyan umano ng mga drug lord ng tig dalawamput limang milyong pisong suhol ang isang code name na PoloDelta-TSG01 at Alpha Tierra-0029 na umano’y si presidential son Paolo Duterte.
Bukod kay Duterte, isinasangkot din sa video ang brother-in-law ni Duterte na si Agriculture Usec. Waldo Carpio.
Base sa social media post ni Duterte, pinabulaanan nito ang alegasyon na sangkot siya sa illegal na droga.
Magugunitang isinangkot rin ni Sen. Antonio Trillanes IV ang nakababatang Duterte sa iligal na droga na siyang isa sa mga dahilan kaya kinasuhan ng libelo ang mambabatas.