DOJ ibinasura ang reklamo ni Garin kontra Ubial

Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang criminal complaint na inihain ni dating Health Sec. Janette Garin laban sa pumalit sa kanya na si dating Health Sec. Paulyn Jean Ubial kaugnay ng bakunang Dengvaxia.

Sa kanyang reklamo ay sinabi ni Garin na dapat managot si Ubial sa pagpalit ng dengue immunization program sa community-based mula school-based.

Ito anya ang nagpalakas sa alegasyon na namatay ang mga bata dahil umano sa Dengvaxia.

Pero sagot ni Ubial, ang community-based na implementasyon ng programa ay hindi taliwas sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO).

Igiit ni Ubial na hindi siya nagpabaya at ang desisyon na ipatupad ito sa komunidad ay resulta ng pagtalakay ng DOH Executive Committee, konsultasyon sa mga eksperto at suportado ng scientific at medical research bunsod ng ilang taong clinical trials.

Dahil dito, sa resolusyon na inilabas ng DOJ nakasaad na walang probable cause ang reklamo.

Ayon sa pumirma ng resolusyon na si Asst. State Prosecutor Claire Eufracia Pagayanan, para matukoy ang pananagutan ni Ubial, dapat ipakita na may direktang koneksyon sa pagitan ng umanoy pagpapabaya at pagkamatay ng mga bata.

Pero nabigo anya si Garin na pangalanan maski ang isang biktima na umanoy namatay dahil sa pag-apruba ni Ubial sa community-based Dengue immunization program.

Read more...