Temperatura sa Metro Manila posibleng pumalo sa 38 degrees Celsius ngayong Abril

Nagbabala ang PAGASA sa mga residente sa Metro Manila sa posibilidad ng pagpalo ng temperatura sa rehiyon sa 38 degrees Celsius ngayong buwan ng Abril.

Bukod dito, sinabi ni PAGASA Climate Impact Monitoring and Prediction Section chief Ana Liza Solis na ang temperatura sa Tuguegarao, Cagayan ay posibleng umakyat naman sa 39.5 degrees Celsius.

Ang normal maximum temperature sa lungsod para sa buwan ng Abril ay 35.4 degrees Celsius lamang.

Magdadala umano ng mas mainit na temperatura ang nararanasang El Niño sa mga susunod na buwan.

Dahil dito, pinayuhan ang publiko na gumawa ng mga hakbang para makaiwas sa heat stress at tipirin naman ang paggamit ng tubig.

Ang pinakamataas na temperatura na naitala sa buong bansa ay sa Tuguegarao City na 42.2 degrees Celsius noong May 11, 1969.

Sa Metro Manila naman, ang hottest temperature ay 38.5 degrees Celsius na naitala noong May 14, 1987.

Read more...