Sa kanyang talumpati sa campaign rally ng PDP-Laban sa Malabon, sinabi ng pangulo na nais lang naman makipagkaibigan ng China sa Pilipinas at nagbigay pa ito ng mga bala at baril.
Ayon kay Duterte tumalikod siya sa Estados Unidos dahil sa pagbatikos nito sa drug war at kabiguang ibigay ang inorder na mga armas ng bansa.
“You know… China just wants to be friend with us. Binigyan tayo ng baril, binigyan tayo ng bala. Pumunta ako doon because America failed to deliver what we ordered,” ani Duterte.
Ang pagdepensa ni Duterte sa pakikipag-kaibigan sa China ay sa gitna ng kontrobersiya ng umano’y presensya ng sandamakmak na Chinese vessels sa South China Sea.
Mayroon ding video footage na ipinapakita ang mga hinaing ng mga mangingisdang Filipino na pinalalayas umano ng mga Chinese authorities sa Scarborough Shoal.
Ayon sa pangulo, hindi maaaring kumprontahin ng Pilipinas ang China dahil sa lakas ng militar nito.
Giit ni Duterte, saglit lamang ay kayang mapulbos ng China ang Philippine Navy at ang kanilang missile ay kayang umabot ng Maynila sa loob lamang ng pitong minuto.
“If I go to war pupulpugin ang Navy ko in a matter of minutes. If I wage a war with China, in 7 minutes their missile will reach Manila,” giit ng presidente.