Ayon sa Pangulo, may gusto umanong pumatay sa kanya.
Pero ayon kay Duterte, swerte swete lamang ang buhay ng tao. Kapag panahon na anya ng isang tao na mamatay ay wala ng magagawa.
“May gusto mang pumatay sa akin. Pero palagay ko pa naman ang buhay ay swerte-swerte lang. Kung panahon ko na talaga, wala na akong magawa,” ani Duterte.
Sinipat ng Pangulo ang bulletproof glass at sinabi nitong makapal naman ang salamin at mukhang hindi matablan ng bala.
Pero maaari aniyang mabasag ang salamin kung pintik ang gagamitin ng mga taong gustong pumatay sa kanya.
“Tingnan ko lang kung gaano kakapal ‘to. Mukha hong hindi matablan ito ng bala, baka pintik siguro kaya,” dagdag ng Pangulo.
Sinabi pa ng Pangulo na wala siyang kontrol sa kanyang security arrangement dahil ang Presidential Security Group (PSG) ang palaging nagpapasya at nasusunod.
Inirereklamo pa ng Punong Ehekutibo ang mahigpit na seguridad ng PSG na palagi anyang pinadidistansya siya sa mga taong gustong yumakap sa kanya lalo na ang mga babae.
“Alam mo ha itong picture frame na ito ha iyon ang hindi ko na kontrolado. Sumama man ang loob ko, magalit ako, hindi ko mautusan ang security setup ng PSG, Presidential Guards, kasi sila talaga ang masunod. Noong bago pa ako, I kind of insisted na ‘yung akin ang masunod kasi ang mga tao po ay hindi na nakakapaglapit sa akin. Eh, sanay na ako ‘yung mayor tuloy-tuloy ako, ine-embrace ko sila. Lalo na kung maraming babae, talagang natatagalan ako,” pahayag pa ng Pangulo.