Ayon kay Andaya, hindi na kailangang humanap ni Sotto ng matalinghagang mga salita sa diksyunaryo para ipaliwanag ang ginawa nilang pagkaltas sa pondo ng mga nabanggit na programa.
Sa halip na ilihis ang atensyon ng publiko ay panahon na aniya para ibunyag ni Sotto kung sinu-sinong mga senador ang nagpatupad ng budget cuts at ipakita kung saan na-realign ang mga item.
Kaugnay nito ay naglabas si Andaya ng kopya ng orihinal na mga dokumento na nagpapakita ng sinasabing budget cuts ng Mataas na Kapulungan sa General Appropriations Bill.
Ang pahayag ay ginawa ng mambabatas matapos tinapyasan ng Senado ang pondo para sa Build, Build, Build program at iba pang social services para ilipat sa ibang proyekto o ahensya habang ang iba ay hindi na malaman kung saan napunta.
Una rito ay inakusahan niya ang mga senador na nagkaltas ng P39 bilyon na dapat sana ay para sa pension and gratuity fund ng AFP personnel, P13.4 bilyon mula sa miscellaneous personnel benefit fund, P11 bilyon para sa right-of-way projects ng DPWH at iba pa.