Sumasalang sa imbestigasyon ang 89 na tauhan ng Aviation Security Group o Avsegroup na naka-assign sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa pagkabigong i-report ang mga insidente ng mga nahuhulihan ng bala sa mga paliparan.
Ayon sa source ng Inquirer, sa naturang bilang, nasa 12 dito ang mga nagsilbi bilang mga arresting officers sa mga pashaherong nakukumpiskahan ng bala sa bagahe ngunit hindi inirecord ang mga naturang insidente.
Karamihan sa mga ito ay nakatalaga sa NAIA Terminal 3 na pawang nadisarmahan na at isinasalang sa kaukulang imbestigasyon.
Samantala, nasa 77 naman ang iniimbestigahan dahil sa malaking pagkakaiba o ‘discrepancy’ sa mga iniulat na insidente ng nakukumpiskahan ng bala sa Office for Transportation Security at sa bilang ng mga nakatala sa police record. Sa record ng OTS sa pagitan ng January hanggang September 2015, nasa 1,212 insidente ang naitala, samantalang 51 lang ang opisyal na naiturn-over sa Avsegroup-NCR upang masampahan ng kaso.
Matatandaang ilang tauhan na ng Avesgroup ang nasibak sa puwesto nitong mga nakaraang linggo matapos pumutok ang isyu ng tanim-bala scam sa paliparan.