Pamamahagi ng $10M sa mga biktima ng Martial Law, inaprubahan ng US court

Inaprubahan ng hukom sa Estados Unidos ang distribusyon ng $10 milyon sa libo-libong biktima ng pag-abuso sa karapatang pantao noong Martial Law.

Pinirmahan ni US District Judge Manuel Real ang kautusan na may petsang March 28 na nagsasaad na bigyan ng kabuuang $9,750,000 o $1,500 ang bawat isa sa nasa 6,500 na miyembro ng class suit laban sa yaman ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ang pamamahagi ng pondo ay magsisimula sa anim na syudad sa Mindanao sa Mayo at sunod ang siyam na lungsod sa Hunyo at Hulyo.

Ayon sa lead counsel ng mga biktima na si Robert Swift at kasama nitong si Rodrigo Domingo, ang mga Pilipinong biktima na nakatira sa Estados Unidos o ibang bansa ay tatanggap ng sulat 4 na linggo bago ang distribusyon at malalaman nila kung kailan at saan sila pwedeng tumanggap ng tseke.

Ang utos ni Judge Real ay matapos mabenta ang painting na dating nasa koleksyon ni dating Unang Ginang Imelda Marcos.

Ang painting na Monet ay nabenta sa halagang $32 milyon ng dating sekretarya ni Imelda na si Vilma Bautista na ngayon ay nakakulong sa New York dahil sa reklamo kaugnay ng pagbebenta ng painting.

Una nang tumanggap ng kompensasyon ang mga biktima noong 2011 at 2014 mula sa mga koleksyon sa mga property ng pamilya Marcos sa Amerika.

Read more...