Nabulilyaso ang panghohold-up ng sa isang bus dahil sa isang pasaherong pulis.
Natimbog ni PO1 Judy Ann de Villa ang isang miyembro ng Commando gang na si Juanito “Yoyoy” Arsenio na nag-deklara ng hold-up sa loob ng bus sa may Cubao, Quezon City.
Ayon kay De Villa, pauwi na siya sa Makati sakay ng Cher bus mula sa Navotas dakong alas 11:35 ng gabi ng Martes nang sumakay si Arsenio at dalawa pa nitong kasama malapit sa Samson College sa kahabaan ng EDSA-Cubao.
Makaraan ang ilang minuto, naglabas ng baril si Arsenio at nag-deklara ng hold-up at inagaw ang bag ng babaeng nasa katapat nitong upuan.
Bilang tugon sa tawag ng tungkulin, tumayo si De Villa, nagpakilalang pulis at itinutok ang kaniyang baril sa suspek.
Pinasusuko niya ang suspek ngunit sa halip na sumunod sa pulis ay dali-dali itong tumalon palabas ng bus habang nakatutok pa rin ang baril kay De Villa.
Hinabol siya ni De Villa at binaril sa may pwetan na siya namang ikinatumba ng suspek.
Narekober ng pulis ang .22 calibre revolver na bitbit ni Arsenio, habang nabawi naman ng biktima ang kaniyang bag na initsa ng suspek palabas ng bus.
Ani De Villa, hindi niya inaasahang may magdedeklara ng hold-up sa lugar na iyon dahil sa pagiging matao nito, pero pinaalalahanan niya ang lahat, pulis man o hindi, na maging alerto sa mga maaaring mangyari.
Dahil dito, pinuri siya ng kaniyang hepe na si Senior Supt. Dante Novicio ng Navotas Police.
Mahaharap si Arsenio sa mga kasong robbery-holdup, attempted homicide, at illegal possession of firearms.