Pemberton, sa Camp Aguinaldo at hindi sa Bilibid mapupunta

 

Inquirer.net/AP

Sa Camp Aguinaldo na ikukulong si US Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton para buuin ang sentensya sa kaniya alinsunod sa ibinabang hatol sa kaniya ng korte.

Nakasaad sa memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Pilipinas at ng Estados Unidos, sa Armed Forces of the Philippines custodial center dapat ipiit si Pemberton sa ilalim ng pagbabantay ng mga tauhan ng Bureau of Corrections.

Ayon kay Rowena Garcia-Flores, lead counsel ni Pemberton, hinihintay na lamang nila ang na opisyal na makarating ang kasunduan kay Olongapo Regional Trial Court Judge Roline Ginez-Jabalde.

Matatandaang hinatulan na ng anim hanggang 12 taong pagkakakulong si Pemberton para sa kasong homicide nang patayin nito ang transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude. Nagkaroon pa ng problema matapos ang paghatol dahil ayaw ibigay ng US security ang kustodiya kay Pemberton sa Philippine National Police para dalhin na sa New Bilibid Prison.

Iginiit ng kampo ni Pemberton na dapat ibalik siya sa Camp Aguinaldo kung saan siya ay ikinulong sa loob ng mahigit isang taon.

Samantala, ayon naman sa dating justice undersecretary na si Jose Justiano, August pa lamang ay nag-simula na ang pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at United States para magkasundo kung saan dapat ipiit si Pemberton sakaling ma-sentensyahan na.

Napagkasunduan na umano ng dalawang panig na sa Camp Aguinaldo na lamang ipiit si Pemberton, dahilan kaya ipinipilit ng kampo nito na ibalik siya sa AFP Custodial Center at hindi sa Bilibid.

Ani Justiano, alam ng Amerika ang mga kondisyon sa Bilibid at iniisip lamang nila ang kapakanan ng kanilang mamamayan tulad ni Pemberton na isa pang sundalo.

Hindi naman aniya lingid sa kaalaman kung paano pahalagahan ng Amerika ang kapakanan ng kanilang mga mamamayan lalo na ng kanilang mga sundalo.

Wala naman din aniyang problema sa naging desisyon dahil ang BuCor naman ang namamahala sa pagbabantay kay Pemberton at hindi mga tauhan ng Amerika tulad ng nangyari sa pagdinig.

Read more...