Mas magiging panatag ang loob at mas kumpyansa si Sen. Grace Poe kung ang Korte Suprema na ang hahawak ng mga kaso ng diskwalipikasyon laban sa kaniya.
Ayon kay Poe, mas inaasahan niyang mas magiging patas ang desisyon ng Supreme Court (SC), kahit pa tatlong justices nito na kasama sa Senate Electoral Tribunal (SET) ang bumoto na ma-disqualify siya.
Naalala kasi ng senadora ang parehong sitwasyong naranasan ng kaniyang amang umampon sa kaniya na si Fernando Poe Jr. (FPJ) na naharap din sa parehong disqualification case sa SC.
Aniya, lahat ng justices ng SC noon, maging ang dating chief justice Reynato Puno, ay nagbigay ng patas na turing kay FPJ.
Samantala, positibo pa rin ang kaniyang kampo na mababaliktad pa ang desisyon ng Second Division ng Commission on Elections na nag-diskwalipika sa kaniya oras na mai-apela nila ito sa en banc.