Sa isang statement sinabi ni ABS-CBN Corporate communications head Kane Errol Choa na mahigpit ang patakaran nila sa mga empleyado kasama na ang mga talents at third patry contractors na sumasailalim aniya sa random drug tests.
Aniya, nakasaad sa mga kontrata at bahagi ng obligasyon ang pagsasailalim sa drug tests.
Nanindigan ang opisyal na hindi papayagan ang pag-gamit ng iligal na droga at sinumang lumalabag sa patakaran ay pinapatawan ng kaukulang parusa.
Naglabas ng kaparehong kalatas ang GMA 7 kasabay ng pagtitiyak na nagpapatupad ang kompanya ng drug free policy.
Sa kabila nito, sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director general Aaron Aquino na bagamat kapuri-puri ang ginagawa ng dalawang TV networks nais niyang makita ang resulta ng mga random drug tests.
Nauna nang sinabi ng PDEA na mayroong 31 celebrities ang nasa drug watchlist ng ahensya.
Dahil dito, hinamon ng PDEA ang malalaking TV networks at mga film company na isailalim sa drug testing ang kanilang mga artista.