Nilinaw ni Department of Trade and Industry Usec. Vic Dimagiba na hindi sila nagpapagamit at nagpapa-pressure kaninuman sa isyu ng Sudden Unintended Acceleration (SUA) ng ilang units ng Mitsubishi Montero Sport.
Reaksyon ito ng opisyal sa naging pahayaga ng pamunuan ng Mitsubishi Motor Philippines na nagtataka sila sa timing ng mga nagrereklamo tungkol sa mga kaso ng aksidente na kinasasangkutan ng Montero units.
Sinabi ni Dimagiba na isang team na ang kanilang binuo para imbestigahan ang mga kaso ng biglang paghaharurot ng mga Montero na nagresulta sa pagkaka-ospital at kamatayan ng ilang katao.
Kahit isa lang ang nagrereklamo, nilinaw ni Dimagiba na tungkulin nilang alamin kung totoo nga ang nasabing mga kaso ng SUA.
Nauna nang sinabi ng Mitsubishi officials na bukas ang kanilang panig sa imbestigasyon ng mga eksperto para malaman kung meron nga bang problema ang kanilang mga ibinebentang sasakyan.
Kanila ring ipinagmalaki na number one sa sales ang nasabing modelo ng sasakyan kaya hindi nakapapagtakang targetin ito ng ilang mga paninira.
Kahapon ay naglabas din sila ng pahayag kung saan ay kanilang sinabi na nag-oofer sila ng free check-up sa lahat ng Montero units at re-orientation naman sa mga nagmamaneho ng nasabing uri ng sasakyan.