CHR, mag-iimbestiga sa pagkamatay ng 14 magsasaka sa Negros Oriental

Magsasagawa ang Commission on Human Rights (CHR) ng imbestigasyon sa ikinasang anti-crime operations ng pulisya sa Negros Oriental kung saan nasawi ang 14 katao.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ni CHR spokesperson, Atty. Jacqueline De Guia na nakababahala ang pagtaas ng bilang ng mga nasasawing kriminal umano sa bansa.

Nais ng CHR na malaman ang tunay na nangyari sa operasyon ng pulisya sa naturang probinsya.

Ayon kay Negros Oriental Provincial Police Office head Col. Raul Tacaca, walong suspek ang nasawi sa Canlaon City, apat sa Manjuyod at dalawa sa Sta. Catalina.

Iginiit ni Tacaca na isinisilbi ang search warrants nang manlaban umano ang mga magsasaka.

Sinabi ni De Guia na kailangang matiyak na hindi nagkaroon ng pagkakamali sa pagsisilbi ng search warrants sa mga magsasaka.

Dagdag pa ni De Guia, ipinag-utos na sa regional sub-office ng CHR-Region VII ang pag-iimbestiga sa kaso.

Read more...