Sinabi ni Nic Gabunada na mali ang paratang sa kanya ng Facebook lalo’t sinabing sangkot sa “misleading behavior” ang ilang FB accounts at pages na iniuugnay sa kanya.
Nilinaw ni Gabunada na naging bahagi siya ng social media campign group ng pangulo at kahit kailan ay hindi siya naging bahagi ng pagpapakalat ng mga maling impormasyon online.
Hindi rin umano siya ang nasa likod ng mga pekeng accounts na naglalayong lituhin o magbigay ng maling impormasyon sa publiko.
Nauna dito ay sinabi ni Nathaniel Gleicher, na siyang pinuno ng Cybersecurity Policy ng Facebook na kanilang inalis ang may 67 pages, 68 accounts, 40 groups and 25 Instagram accounts na iniuugnay kay Gabunada dahil sa “misleading behavior.”
Karaniwang peke ang pangalang ginagamit ng mga trolls na nasa likod ng pag-atake sa ilang grupo o kaya naman ay tagapag-tanggol ng ilang tao o grupo gamit ang social media.
Sinabi ng FB na base sa kanilang imbestigasyon ay magkaka-ugnay ang kanilang mga accounts na inalis at ito ay tumuturo sa grupo ni Gabunada.
Ipinaliwanag pa ng Facebook an tuloy ang kanilang kampanya para malinis ang kanilang Sistema laban sa mga pekeng accounts.