Sa ikatlong pagkakataon ay ibinasura ng mga mambabatas sa United Kingdom ang Brexit deal ni Prime Minister Theresa May.
Dahil dito ay lalong nalagay sa alanganin ang pagkalas ng Britanya sa European Union (EU) sa mismong araw na nakatakda itong umalis.
Sa ngayon ay hindi malinaw kung paano, kailan o kung matutuloy pa ang pag-alis ng UK sa EU.
Matapos ang special sitting ng parliament, bumoto ang mga mambabatas ng 344-286 laban sa nais ni May na kumalas ang bansa sa EU.
Ito ay kahit sinabi ng PM na ang boto pabor sa Brexit ay ang huling pagkakataon para matiyak ang tagumpay ng kasunduan.
Matatandaan na sa referendum noong June 23, 2016, 17.4 million o 52 percent ang bumoto pabor sa pagkalas ng Great Britain sa EU habang 16.1 million o 48 percent ang nais na manatili sa EU.