CSC: LTFRB dedesisyunan ang kaso ng empleyadong nagbenta ng prangkisa

Ipinaubaya ng Civil Service Commission (CSC) ang desisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Cordillera Administrative Region (CAR) na kasuhan ang empleyado na nakunan ng video na nagbebenta ng prangkisa sa halagang P70,000.

Ayon kay CSC Commissioner Aileen Lizada, aabisuhan ng CSC Regional Director ang LTFRB-CAR ukol sa isyu.

Ang LTFRB na anya ang magsasampa ng kaso laban sa kanilang empleyado.

Pero nagbabala si Lizada na kung hindi aaksyunan ng LTFRB ang kaso ay mapipilitan silang ireklamo ang mga pinuno ng naturang ahensya.

Sa kumalat na video ay mapapanod ang isang LTFRB public assistance desk officer na sumasagot sa mga tanong ukol sa available na prangkisa.

Sinabi ng empleyado na sarado na ang aplikasyon sa prangkisa pero nang magpilit ang nagtanong ay nag-alok ang LTFRB employee na pwede itong makakuha kapalit ang nasabing halaga.

Ayon kay Lizada, nasa P520 lang ang bayad sa franchise application kaya labag ang ginawa ng empleyado ng LTFRB.

Read more...