Nagsasagawa ng pagsusuri ang environment group na Ecowaste Coalition sa ilang mga laruan na patok na panregalo ngayong panahon ng kapaskuhan.
Isinagawa ang pagsusuri sa Museo Pambata sa Roxas Boulevard sa Maynila.
Ilang laruan na ibinebenta at patok na panregalo kapag Christmas season ang isinailalim sa toy clinic o chemical testing Ecowaste gamit ang tinatawag nilang spectrometer.
Ayon kay Dra. Belle Sinlao, lecturer MCU College of Medicine at resource person ng Ecowaste Coalition, wala ng safe level ngayon sa lead content o nangangahulugang dapat ay ‘zero lead’ na lahat ang mga laruang para sa mga bata dahil sa masamang epekto nito sa utak.
Habang sa mercury level naman dapat ay hanggang 25 parts per million lamang ang content ng isang bagay o laruan.
Sa arsenic level, sinabi ni Sinlao na hanggang 25 parts per million din base sa US Consumer Product Safety Commission Act.
Karaniwang may nade-detect na lead sa mga laruang plastic na medyo matingkad ang kulay tulad ng laruang kotse, boxing gloves, manika at maging mga laruan cellphones na kadalasan ay nabibili sa Divisoria.
Madalas naman nakaka-detect ng mercury sa lipstick at sa ginagamit sa face paint.