Anak ininguso ang ama sa pagpatay sa isang magsasaka sa Isabela

PNP-Quezon photo

Dahil nakukusensya na, inamin ng isang teenager sa pulisya na ang kanyang ama ang pumatay sa isang magsasaka na ang bangkay ay nakita sa irrigation canal sa Isabela.

Ayon sa pulisya, nakipag-inuman ang biktimang si Ramon Cuizon, 63 anyos sa suspek na si Edwin Sequin noong Miyerkules.

Pero nag-away umano sina Cuizon at Sequin kaugnay ng dati pa nilang hindi pagkaka-unawaan.

Inamin ng anak ng suspek na si Jerry na nakita niya ang ama na tinaga ang biktima hanggang ito ay mamatay.

Itinago anya ng ama ang bangkay ni Cuizon sa irrigation canal para walang makaalam ng krimen.

Ayon kay Barangay Chairman Oliver Loyosen, nakita nila ang katawan ng biktima sa Barangay Arellano.

Sinabi naman ni Police Captain Fresiel Dela Cruz, Quezon acting police chief, nakakita sila ng mga bahid ng dugo sa bahay ng pamilya Sequin.

Nakita kalaunan ng pulisya ang ginamit na itak ng suspek na agad namang sinampahan ng kasong murder.

Read more...