Tanong ito ni Sen. Panfilo Lacson kaugnay ng timing at motibo ng akusasyon ni Acierto laban kay Yang.
“Yung pag-a-accuse ngayon at saka yung dokumento, parang suspect na yun e dahil ano ang motive?” pahayag ng Senador sa Kapihan sa Senado.
Ayon kay Lacson, mayroong pagkakataon si Acierto na ilabas ang intelligence report na nagpapakita ng umanoy link ni Yang sa droga sa Senate blue ribbon committee na nag-imbestiga ng P11 bilyong shabu shipment noong nakaraang taon pero hindi ito ginawa ng dating police official.
“Bakit hindi niya ginawa? Bakit ngayon siya lumabas? Nagtataka nga rin ako. OK, nagtatago siya, pero ano motive niya in coming out and accusing President Rodrigo Duterte with a document that he already showed to several officials?” ani Lacson.
Dalawang beses na dumalo si Acierto sa imbestigasyon ng Senado bago ito nagtago.
Nang makipag-kita anya sa kanya si Acierto ay sinabi umano nito na lumutang ang pangalan ni Yang nang nagsagawa sila ng anti-illegal drugs operation sa Davao noong 2004.
Sinabihan umano ni Lacson si Acierto na kung ang dating pulis ang nag-operate ay bakit hindi nila kinasuhan si Yang.
Bagamat hindi masabi ng Senador kung may halong pulitika ang alegasyon ni Acierto, binanggit nito na karamihan ng humihiling na imbestigahan ang isyu ay mula sa oposisyon o mga miyembro ng Liberal Party.