Duterte, ipinaabot sa China na walang kinalaman ang gobyerno sa kasong isinampa kay Xi sa ICC

Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte kay His Excellency Song Tao, Minister ng International Department of the Communist Party of China Central Committee na walang kinalaman ang gobyerno ng Pilipinas sa kasong crimes against humanity na isinampa sa International Criminal Court (ICC) nina dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario at dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales laban kay Chinese President Xi Jinping.

Ginawa ng pangulo ang pahayag matapos mag courtesy call ni Song, Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua, Chinese Consul General to Davao Li Lin at iba pang Chinese delegates sa Matina Enclaves sa Davao city.

Sinabi naman ng pangulo sa Chinese delegates na bilang isang demokratikong bansa, hindi naman niya mapipigilan sina Del Rosario at Morales na maghain ng reklamo laban Xi.

Nag-ugat ang kaso ng dalawang dating opisyal laban kay Xi dahil sa panghaharass ng Chinese Coast Guard sa mga Filipinong mangingisda sa West Philippine Sea.

Ayon sa pangulo, sa kabila ng reklamong isinampa kay Xi, nananatiling malakas ang ugnayan ng Pilipinas.

Nagpapasalamat din ang pangulo sa China sa mga tulong na ibinigay sa bansa lalo na sa ‘Build Build Build’ program.

Sa panig ni Song, sinabi nito na handa ang China na tumulong sa Pilipinas sa kung anuman ang pangangailangan.

Umaasa rin si Song na dadalo ang pangulo sa Belt and Road Forum sa China sa buwan ng Abril.

Read more...