Pinayuhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga TV networks at mga film outfits na magsagawa ng internal cleansing.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino, dapat magkusa na ang mga network at ang film industry na linisin ang kanilang hanay.
Sinabi ni Aquino na kailangang masagawa ng sorpresa at mandatory na drug testing ang mga TV networks at film companies sa kanilang mga artista.
Maari naman aniyang gawin ito ng confidential at hindi ilalabas sa publiko ang resulta.
Kaugnay ng nasabing panukala, plano na ni Aquino na sulatan ang mga TV station at film companies para pormal na hilingin ang pagsasagawa ng internal cleansing.
Maari din ayon kay Aquino na idaan niya sa MTRCB ang kaniyang liham para ang ahensya na ang magsabi sa mga TV network at film industry.
Sinabi ni Aquino na handa ang PDEA na umasiste sa gagawing drug testing sa pamamagitan ng paglalaan ng testing kits at pagtulong ng kanilang mga tauhan.